LitArt Mag Issue No. 001

LitArt Mag Issue No. 001

Berdeng Likido

Matapos lumubog ang araw ay unti-unti nang nilalamon ng kadiliman ang buong kalangitan, ang kaninang kahel na langit ay mabilis pinaligiran ng maitim na mga ulap, hudyat ito na kailangan ko nang sindihan ang gasera na magsisilbing liwanag sa madilim naming tahanan. Mahigit tatlong dekada na rin kaming naninirahan sa mataas na bundok sa Barakayat, malayong-malayo sa siyudad, kaya’t hindi naaabutan ng elektrisidad. Yari sa makakapal na punong kahoy ang haligi ng bahay at gawa naman sa nipa ang bubong nito.

Dulot ng kalumaan ay nanlilimahid na sa dumi ang mga ding-ding na yari pa sa pinagtagpi-tagping kawayan, mukhang kailangan na nitong mapalitan, bago gumapok ang pamakuan nito’t tulayang gibain nang malakas na hangin.

“Goryo! Ano pa bang ginagawa mo riyan?, pumanhik ka na rito sa kwarto’t pakisarado ang mga bintana, nagsisimula nang humamog,” bitbit ang maliit na lampara ay dali-dali kong tinungo ang aming silid, nadatnan ko ang kabiyak kong si Kriselda na nakahiga sa matigas na papag, umbok na umbok ang malaki nitong tiyan, dala ng walong buwang pagdadalang tao.

Sumipol ang malakas na hangin, ramdam naming mag-asawa ang matinding lamig na bumalot sa buong silid. Napatunghay ako sa nakabukas na bintana at tanaw ko ang buwan na natatabunan ng mga ulap, nang mahawi ang ulap, ay tumambad ang nakakasilaw na liwanag na hatid ng bilugan na buwan.

Nakaramdam ako ng kilabot nang maulinigan namin ang malalakas na alulong, hindi namin matiyak kung alulong ba iyon ng mga ligaw na aso o mga mababangis na lobo?

Mabilis kong isinara ang bintana, ngunit bago iyon ay binudburan ko muna ng asin ang mga haligi nito, bilang pangontra sa anomang masamang elemento, maigi na ang nag-iingat, lalo pa’t malapit nang iluwal ni Kriselda ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan.

“Kriselda, mahal… nakaisip ka na ba ng magandang ipapangalan sa panganay natin?” agad namang napangiti ang asawa ko sa naging tanong ko.

“Ang sabi ng manghihilot ay babae raw ang magiging anak natin, dahil simula no’ng ako’y nagbuntis ay mas lalo raw akong gumanda, marahil iyon ang kanyang naging basehan,” gumihit ang malawak na ngiti sa mga labi ko matapos marinig ang mga tinuran ni Kriselda, hindi maitatanggi na napakaganda niya, sinuri ko ang kanyang maputi at makinis na balat, hanggang sa pinagmasdan ko ang kanyang maamong mukha na maihahalintulad sa isang anghel.

“Angelica,” magkasabay naming banggit, na tila nagkasundo ang aming mga isip.

“Angelica ang ipangalan natin sa bata, paniguradong magiging kasing ganda mo siya, Kriselda.”

Dahil sa labis na pananabik ay niyakap ko ang aking kabiyak, marahan ko siyang hinagkan at pina-ulanan ng mga pinong halik sa pingi, nasamyo ko ang kanyang halimuyak na kasing bango ng mga bulaklak, bumaba ang aking mga halik sa namimilog niyang tiyan.

“Angelica, anak… labis na nasasabik si tatay na makita at mahagkan ka! Sana paglabas mo sa mundo ay lumaki kang maganda, hindi lang sa panlabas na anyo, kundi katulad ng isang anghel ay puspusin ka nawa ng busilak na puso.” Madalas kong kausapin ang aming magiging anak, maganda raw kasi na kinakausap ang bata habang nasa sinapupunan palang, dahil ito’y lalaking masunurin at hindi suwail.

Dahil na rin sa maselang pagbubuntis ni Kriselda, hindi kami maaring magtabi sa pagtulog, mas gusto niya kasi na mag-isa sa higaan para maaliwalas siyang makakahiga, kaya naman sa halip  na tumabi ako sa kanya, sa  sala nalang ako natutulog, pinagdugtong ko na lamang ang dalawang parihabang bangko, upang magkaroon ako ng maayos na higaan. Binigyan ko nang magaang halik sa noo ang aking asawa, bago ko lisanin ang silid, kailangan ko na rin matulog dahil maaga akong gigising bukas, upang gatasan ang mga alaga naming baka.

Nagtungo na ako sa sala at humiga sa bangko, tila musika sa aking pandinig ang tunog ng mga kuliglig, at dahil sa malamig na simoy ng hangin, na tila humehele sa aking pagkakahiga ay mabilis akong dinatnan ng antok.

*****

Mahimbing nang natutulog ang mag-asawang Goryo at Kriselda, hindi pa’man araw ng taglamig, pero namamaluktot na sa ginaw si Goryo, kulang ang makapal na telang binalot niya sa kanyang katawan, para maibsan ang matinding lamig. Sa kabilang banda, halos maligo naman sa nagmamantikang pawis si Kriselda, rumaragasa ang butil-butil na pawis sa kanyang kabuuan, init na init siya, at pakiramdam niya’y binibilad siya sa matinding sikat ng araw.

Dahil sa maalinsangang pakiramdam ay nagmulat ng mata si Kriselda, babangon sana siya para mapreskuhan ang kanyang pakiramdam, pero laking pagtataka niya ng hindi na niya maigalaw ang kanyang paa, hindi siya makabangon, dahil nanigas ang kanyang buong katawan. Nakakarinig din siya nang mahihinang kaluskos na nanggagaling sa bubong, nagsimula na rin maglagas ang mga tuyot na dahon ng nipa, tila mga paa ng manok ang pwersahan kumakalaykay sa bubong para makagawa ng butas.

Nagsitayuan ang mga balahibo ni Kriselda nang marinig ang nakakapangilabot na huni ng isang nilalang, kinakalaykay nito ang kanilang bubong, at kaunting-kaunti nalang ay mabubutas na ito.

“GORYOOOO! GISING TULUNGAN MO AKOOO!!!” sumigaw siya para hingin ang saklolo ng kanyang asawa, pero kahit anong sigaw at paghingi ng saklolo ay walang lumalabas na tinig sa kanyang bibig, nagmistulang pipi si Kriselda at pakiramdam niya’y napaos na siya sa ginawa niyang pagsigaw.

Tuluyan nang nabutas ang bubong at ang kaninang mga kaluskus ay napalitan nang malakas na kalabog, tila dinambahan ng malaking nilalang ang kanilang bubongan.

Nagsimula nang tumangis ang luha sa mata ni Kriselda, nangangamba sa anumang peligrong mangyari sa kanila.

Lumaki ang nagawang butas sa bubong, at kitang-kita niya ang nakasilip na mata ng isang aswang, nanlilisik ang pulang mata nito habang sabik na nakatitig sa kanya, gustong-gusto na niyang bumalikwas sa higaan at humingi ng saklolo pero wala siyang magawa, namimilipit sa sakit ang kanyang tiyan, na tila hinahalukay ang laman sa kanyang loob.

Kahit na walang lumalabas na tinig sa kanyang bibig, pinilit pa rin niyang humiyaw, “SAKLOLO… PANGINOON, TULUNGAN AT GABAYAN NIYO PO KAMI!!!” sa pagkakataong ito’y naisatinig din niya ang kanyang panalangin.

Nagising si Goryo, nangangatog ‘man dahil sa ginaw, ay mabilis niyang tinungo ang silid ng kanyang kabiyak,

Nanlaki ang mga mata niya nang madatnan  niya si Kriselda, hapong-hapo habang naliligo sa malagkit nitong pawis, naninigas ang katawan habang pinipilit makabangon, tumingala siya para tingnan ang bubong na mayroon ng butas, mula roon ay dumanak ang malapot at kulay berdeng likido na tumulo direkta sa tiyan ng kanyang asawa, umawang ang bibig ni Kriselda sa hapdi nang malapnos ang kanyang balat, tumutulo ang luha habang nagmamakawang tulungan siya.

Nag-umapaw sa galit si Goryo, dahil sa kanyang nasaksihan, agad niyang kinuha ang matalim na itak na nakatago sa ilalim ng papag, dumakot din siya ng asin at isinilid sa kanyang bulsa, mabilis niyang tinahak ang daan paakyat sa kanilang bubong. Buong tapang niyang haharapin ang nilalang na kasalukuyang umaatake sa kanyang mag-ina.

Pag-akyat niya sa bubong ay bumungad sa kanya ang maitim na anyo ng masamang maligno, Magkukutod ang tawag sa malignong ito, kaya nitong ihiwalay ang ulo sa kanyang katawan. sabik na sabik ito sa kanyang asawa, nakalawit pa ang dila at naglalawa ang kulay berde nitong laway.

Dinukot niya agad ang asin sa kanyang bulsa at mabilis na isinaboy sa maligno, at dahil doon ay nabaling sa kanya ang atensyon nito, nanlilisik ang mga mata na tinignan siya nito, hindi man lang ito natinag sa isinaboy niyang asin.

Marahang lumapit sa kanya ang Magkukutod, sa paglapit nito’y agad umalingasaw ang mapanghi at malansa nitong amoy, tila masusuka siya dahil sa amoy nitong bumabara sa kanyang sikmura.

Hindi siya nagpakita nang kahit katiting na takot, bagkus ay mas nangibabaw ang kapakanan at kaligtasan ng kanyang mag-ina. Nagngangalit na inatake siya ng Magkukutod, marahas siyang pinagkakalmot sa dibdib at maging sa mukha, batid niyang wala siyang laban sa lakas nito. Napuno ng galos at kalmot ang kanyang katawan, pero bilang isang magiting na asawa, ay hindi niya ininda ang hapdi, duguan na ang kanyang katawan, kaya’t wala na siyang inaksayang pagkakataon, ginamit niya ang lahat ng natitira niyang lakas, upang pwersahang itarak ang matalim na itak sa dibdib ng Magkukutod.

Bumaon ito sa dib-dib ng maligno, dahil sa galit ay walang habas niyang pinagtataga ang katawan nito, hindi pa siya nakuntento, sa labis na pangigigil ay pinagpipiraso niya ang ulo nito at tuluyan nang nangisay, ngunit bago paman magbunyi si Goryo sa matagumpay na pagkagapi sa Magkukutod, natilamsikan siya ng berdeng likido na nanggaling mismo sa katawan ng maligno, direktang tumama ito sa kanyang dalawang mata, ramdam niya ang lapnos at matinding hapdi, nagsimulang manlabo ang kanyang paningin at tuluyang na siyang nawalan ng malay.

*****

Nang sumikat ang araw ay kusang nalusaw ang gutay-gutay na katawan ng Magkukutod, dahil sa magkakalayong mga bahay sa probinsya, walang nakakaalam sa naganap na pag-atake nito.  Mabuti na lang at maagang bumisita si Berto, isang matalik na kaibigan ni Goryo, para manghiram sana ng palakol, Malayo pa lang siya sa bahay ng mag-asawa, ay rinig na niya ang sigaw ni Kriselda na humihingi ng tulong. Hinang-hina na si Kriselda, dahil sa iniindang kirot ng kanyang tiyan, samantalang dinatnan niyang nakahandusay si Goryo sa lupa. Hindi na nang-usisa pa si Berto, agad niyang tinulungan ang mag-asawa at dinala sa mangagamot.

Laking pasasalamat ni Kriselda na ligtas ang sanggol sa kanyang sinapupunan, samantalang si Goryo ay nakaligtas din, subalit hindi pa ito dinadatnan ng malay.

Nang magmulat ng mata si Goryo, agad niyang dinaing ang hapdi sa kanyang mata, labis siyang nagtataka kung bakit kadiliman ang sumalubong sa kanya. Wala siyang maaninag na kahit anong anyo, nais man niyang makita ang magandang itsura ng kanyang kabiyak ay hindi niya magawa, dahil tuluyan na siyang nabulag.

“Wala na akong silbi kung wala akong paningin, paano ko aalagaan ang magiging anak natin? paano pa ako magiging mabuting asawa kung magiging pabigat nalang ako?” puno nang paghihinagpis na sambit ni Goryo.

Sa kabila nito ay handa si Kriselda na magsilbing mga mata ni Goryo, utang niya sa asawa ang buhay nilang mag-ina. Nangako siya na hindi niya ito iiwan ano man ang mangyari.

Sa pangamba na muli silang atakihin ng maligno, napagpasyahan nilang lisanin ang bundok, at manirahan na lang sa bayan kapiling ang kanilang mga kamag-anak.

*****

“Lakasan mo pa ang pag-iri, kaunti nalang, lalabas na ang sanggol,” hiyaw ng kumadronang nagpapa-anak kay Kriselda. Hirap na hirap siya sa panganganak, lupaypay na ang kanyang buong katawan, at tila naubosan na ng enerhiya, huminga siya nang malalim, at sinimot ang lahat ng natirira pa niyang lakas, sabay pwersahang umiri, namanhid ang kanyang pakiramdam pero matagumapay niyang nailuwal ang sanggol.

“JUSMIYOO! PANGINOON KO!!! Anong klaseng nilalang ba itong anak niyo?” bulalas na sigaw ng kumadronang unang nakakita sa itsura ng sanggol, agad niyang binitawan ang sanggol at inilapag sa higaan.

Bumunghalit nang iyak ang sanggol na lalaki, at kahit na hindi nakikita ni Goryo ang kanilang anak, batid niyang may kakaiba sa anyo nito. Kasing itim ng uling ang mga balat nito, may naka-umbok na munting sungay sa noo, at nakapagtatakang kumpleto na agad ang mga ngipin ng sanggol.

“Marahil ay dahil ito sa berdeng laway ng maligno na lumapnos sa tiyan ko,” kahit nahihirapan ay pinilit pa rin ni Kriselda magsalita.

Inilarawan niya kay Goryo, ang naging itsura ng kanilang anak. Nabigla ‘man si Goryo sa kanyang narinig ay hindi siya kakikitaan ng poot, nawala ‘man ang kanyang paningin, kapalit naman nito’y kaligtasan ng kanyang mag-ina.

Hindi man nakikita ni Goryo ang kanyang anak ay marahan niya itong kinausap.

“Anak, anoman ang itsura mo ay tanggap kita, hindi man kita nakikita, nararamdam ko naming nagtataglay ka ng mabuting kalooban, kahit maitim ang kulay ng iyong balat, paniguradong kabaliktaran nito ang laman ng iyong puso, mamahalin kita sa abot ng aking makakaya, Angelito, anak ko!”

Umagos ang luha sa mga mata ni Goryo, habang taos puso niyang kinakausap ang kanyang anak, pinahiran niya ang mga luhang nananalantay sa kanya, at sa pagmulat niya ng mata, isang hindi inaasang pangyayari ang naganap, milagrong nabigyang kulay muli, ang madilim niyang paningin.

##WAKAS##

About the Author
Zandro Bautista is a student from Rizal Technological University taking up Bachelor of Secondary Education Major in English. He loves the smell of coffee’s and old books. He’s a real nature lover, so whenever possible, you’ll see him in a mountain, in a beach, or in a forest, just to get some fresh air. He’s a massive bibliophile and a writer of his own fantasies.
Follow us on social media
Support LitArt and Our Contributors
error: Content is protected !!

Show the writer some love...

Share your thoughts

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.