LitArt Mag Issue No. 001

Angelo

Chay Mendioro

“Pag-ibig na labag sa langit ay itutuloy sa lupa; langit ang magtatakda. 
Subalit, pag-ibig at tadhana ay babaguhin ng isang sumpa.”

Ako si Angelo, isang anghel, sugo ng liwanag.
Sa sinumpaang tungkulin hindi inaasahang lalabag.
Umibig sa isang tao, nagkasala;
subalit walang anumang pagsisisi sa nagawa.

Sa langit ako’y tumakas.
Malapad na pakpak ay ipinagaspas, sinuong ang hangin na malakas –
Ininda ang matatalim na kidlat:
pagpapakamatay man itong paglusob sa libo-libong sibat,
ngunit mga ito’y hindi ako mapipigil – “Hindi ninyo ako maaawat!”

Lumipad nang may pag-iingat, sa matutulis na kidlat ay umiwas;
ngunit isang ipo-ipo ang sa aki’y humambalos, hindi nagawang makailag! 
“AHHH!!”

Lakas ko’y naubos sa kaliwa’t kanang pagbalibag, nabali ang isa kong pakpak.
Bumulusok ang katawan kong hapo sa gitna nang buhos ng ulan–
dumadagundong na kulog at malakas na kalabog sa pagbagsak.
Walang ibang nasambit kundi ang ngalan niya, “Xenia..”

***

Napabaligwas mula sa pagkakatulog dahil sa isang bulong at panaginip na tila isang pangitain.
Sa labas ay ramdam ang masungit na panahong kita mula sa bintanang bukas-sara dala nang pag-ugoy ng malakas na hangin; 
kalangitan ay kinakain ng dilim.

Mga mata’y may kakaibang natanaw– Teyka ano ‘yon? Isang bumabagsak na bulalakaw?
Ulo’y ipinilig nang paulit-ulit dahil tanong sa isipa’y imposible. 
Ngayon ay bumabagyo at malamang bulalakaw ay agad nitong ikukubli.
Subalit loob ko’y hindi mapakali, parang may mali?

Sinuong ang ulan at sungit ng panahon sa labas.
Ininda ang malakas na hangin kahit pa tila katawan ay hinahampas.
Tinungo ang lugar kung saan bumulusok ang ginintuang liwanag.
gustong mapaglinaw ang tanong sa loob na nagpapabagabag.

Sa gitna ng bagyo at malawak na parang,
nakita ang isang hindi inaasahang nilalang.

“Lalaking may pakpak? Anghel? Isang anghel nga ang bumagsak!”

Sa nakumpirma’y namangha ngunit hindi natakot; bagkus, sa abang sinapit ng lalaki’y nakadama ng lungkot.
Ang katawang sugatan at lupaypay ay tinungo’t sinambot.
Sa nanginging kong mga bisig ito’y niyakap, sarili sa kanya’y ibinalot.

Dinampi sa kanyang maamong mukha ang aking palad at marahan itong niyapos;
Subalit natigilan nang marinig ang kanyang mahinang paghangos.

“Xe..Xenia?”

Napatda sa pagtawag niya sa aking pangalan sa tonong namamaos.
At mas lalong natigagal nang madama ang balik nitong haplos.
Namagitan sa amin ang ilaw na dala ng kidlat na nagkikislapan.
Sa aming mga mukha’y bakas ang pag-aalangan at naguguluhan;

Sino siya? Bakit alam niya ang aking pangalan?
Bakit ganito ang kabog sa dibdib nang kanyang mahawakan?
B-bakit ganito ang nararamdaman?

Sunod-sunod na mga tanong sa aking isipan.

“Nagbalik na ako Xenia, sinta. Ako ito si Angelo… ang iyong kapareha.”

“A-Angelo?”

Sambit sa pangalang hindi mahanap ang detalye, hindi ko mailarawan sa ala-ala ang kanyang imahe.
Hindi maabot ng aking isipan.

Paanong siya’y naging aking katipan?

***

Mahapding sugat, katawang lasug-lasog; baling pakpak sa gitna ng ulanan ay umuusok.
Hindi napaghandaan ang nangyaring pagbulusok.
Ngunit mas hindi ko napaghandaan ang nakita ng mga matang hinihila na ng antok.

Si Xenia, ang mukha ng aking sinta.

Ako yata’y namamalikmata…

Ilang pikit-kurap ang ginawa,
nais kong makumpirma.
Pikit-kurap, mainit na yakap ay nadama;
Pikit-kurap, hindi na nagawang pumikit pa,
Nang mukha ko’y haplusin ng malambot na palad niya.

“Nagbalik na ako Xenia, sinta.”

Kami’y nagkatinginan, bakas sa akin ang pag-aalangan–
batid kong pagkakakilanlan ko sa kanya’y hindi matandaan.
Tinawag ulit siya sa kanyang ngalan, subalit tila siya’y mas lalong naguluhan.

“Ako ito si Angelo, ang iyong kasintahan.”

“Angelo?”

Paanong siya’y aking naging katipan?

Nabasa kong sabi niya sa kanyang isipan.
Marahil ito na nga ang sumpa ng langit sa aking nagawang kasalanan;

“Pag-ibig na labag sa langit ay itutuloy sa lupa; langit ang magtatakda. 
Subalit, pag-ibig at tadhana ay babaguhin ng isang sumpa.”

About the Author

Chay Mendioro is a call center agent by profession and a mother of one. Writing is her outlet from all the stress thrown by the reality; a sweet escape since 2015, when ALDUBNATION came and accidentally discovered her craft weaving words with metaphors through poetry and prose in different genres. Some of her stories were published in I, Ache Special Edition in 2016. But she still considers herself a beginner and writer’s block is still her enemy. You can reach and read her stories published in wattpad under @mchay101.

Follow us on social media
Support LitArt and Our Contributors
error: Content is protected !!

Show the writer some love...

Share your thoughts

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.